


PRESS RELEASE Control No. 2022-08
AUTHORITY : PBGEN ERIC E NOBLE, Director, PNPA
ACTION OFFICER : PLTCOL LOUIE DC GONZAGA, Chief, Public Information Office
DATE : August 29, 2022
PAGDIRIWANG NG LINGGO NG WIKA SA AKADEMYA
Ang pagkakaroon ng isang karaniwang wika ay may malaking kahalagahan sa isang soberanya na bansa tulad ng sa atin dahil ito ay nagbibigay-daan sa ating mga tao na magkaroon ng isang mas mahusay na kalidad ng komunikasyon. Ang Pambansang Akademya ng Pulisya ng Pilipinas, isa sa anim na Specialized Higher Education Institutions (SHEI) sa bansa na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED) ay kaisa ng pamahalaan sa pagtataguyod ng Filipino bilang pambansang wika ng bansa.
Ngayong linggo, mula Agosto 29 hanggang Setyembre 2, 2022, ang Cadet Corps Philippine National Police ay makikilahok sa iba’t ibang aktibidad na nagtataguyod ng kultura, pagpapahalaga, at pamana ng lahing Pilipino sa pamamagitan ng kanilang talino, talent at kakayahan kaugnay ng temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha” para sa taong ito. Sa lahat ng mga ito, ang mga kadete at kawani ng PNPA, na nagmula sa iba’t ibang lalawigan ng bansa, ay sumusunod sa karaniwang hangarin ng pagkakaisa kahit pa nga ay may pagkakaiba-iba.
Napakamahalaga na ang isang linggong pagdiriwang na ito ay magiging bukas sa mga pamilya at kaibigan ng mga kadete sa unang pagkakataon pagkatapos ng halos dalawang taon dahil sa pandemya. Magiging magandang pagkakataon din ito para masaksihan ng publiko kung paanong ang mga kadete, sa kabila ng kaunting oras sa paghahanda, ay nagagawa pa ring ipagdiwang ang ating mayamang pagkakakilanlang Pilipino.
Ayon sa Dekano-Akademiko ng PNPA, PBGEN Angeles B Geñorga Jr, “Marapat lamang ang ating pakikiisa sa taunang pagdiriwang ng pambansang wika na ginugunita alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Bilang 1041 upang ating alalahanin ang kasaysayan, maisapuso at maunawaan ang tunay na diwa at kahalagahan ng Wikang Filipino.” Dagdag pa niya, “Ang tagisang ng talent at abilidad ng ating mga Iskolar Para sa Bayan ay magsisilbing daan upang mas pagyamanin ang ating minamahal na kulturang Pilipino.”
Sa pangunguna ng Direktor ng PNPA, PBGEN Eric E Noble, ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika ngayong taon ay pinasinayaan ng punong-bayan ng Silang, Cavite, Kgg. Alston Kevin Anarna. Sa kaniyang pahayag, malugod niyang binati at pinasalamatan ang mga kadete at pamunuan sa walang sawa nitong pagtataguyod ng ating katutubong wika at kultura at ang kontribusyon nito sa lokal na turismo.
Muli namang binigyang diin ni PBGEN Noble na sa mga ganito at sa lahat ng pagkakataon ay sadyang nararapat ang pagmamalasakit ng bawat isa sa kanilang kapwa kadete upang mabigyang pagkakataong maipamalas ang kanilang mga kakayahang isulong ang interes ng mga pambansang pagkakakilanlan.
Ang pagtatapos ng selebrasyon ay magaganap sa Biyernes, Setyembre 2, 2022 mula ikawalo ng umaga at inaasahang lalahukan ng mga espesyal na panauhin mula sa pambansang mga sangay ng pamahalaan.